Sabado, Hulyo 23, 2011

"MEMORIES"

Tumanda nanaman ako ng isang taon, kakalipas lang kasi ng birthday ko nung July 20 eh. Napakabilis ng panahon, naaalala ko nung elementary pa ako, puro laro lang ang alam ko, takbo dito takbo doon. Pero ngayon, college na ako, parang hindi ko namalayan ang panahon. Siguro ang karamihan din ay ganun. Pero kahit na hindi natin namamalayan na tayo ay tumatanda na, hindi dapat natin makalimutan ang mga masasayang alaala sa ating buhay, tulad nalang ng birthday natin. Mahalaga ang mga ito sa tingin ko, dahil ang mga ito ay maaari nating paghugutan ng lakas ng loob sa mga oras na tayo ay pinanghihinaan. Maaari rin na ang mga alaalang ito ay gawin nating inspirasyon lalo na kung ang mga ito ay nagmula sa ating mga mahal sa buhay tulad na lamang ng ating mga magulang, kapatid, mga kaibigan at ang espesyal na tao sa ating puso. Sila ang mga tao na pwedeng makaapekto sa ating buhay ng malaki. Mas maganda kung mas pakaiingatan natin ang mga magagandang alaala sa buhay at itapon ang hindi magaganda.

Biyernes, Hulyo 8, 2011

“LOVE STORY”


Ano nga ba ang pag-big? Naranasan mo na ba ang umibig at masakatan? Ako, naranasan ko na ‘yan, at ilang beses na akong nasaktan. Marahil minsan tinatanong natin ang ating sarili kung bakit tayo nasaktan, kahit na tayo mismo ay alam na ang sagot, at 'yon ay dahil nagmahal tayo ng lubos. Pero kahit naman ilang beses pa tayong masaktan, kailangan nating bumangon o ‘yung tinatawag nilang “move on”. Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa na makatatagpo pa tayo ng iba na mas nararapat sa ating pagmamahal. Nais kong ibahagi sa inyo ang munting “love story” ng buhay ko. Matapos akong masaktan sa una kong kasintahan, naramdaman ko ulit ang saya nang dumating sa buhay ko ang isang taong hindi ko inaasahan. Siya si “Ashly Santiago”,


ang relasyon na meron kami ay hindi pangkaraniwan,  “long distance relationship” ang tawag dito. Pero kahit na ganito ang relasyon namin, ipinagmamalaki ko ito, dahil kahit na magkalayo kami, naiparamdam namin ang pagmamahal namin sa isa’t isa. Kahit na sa “cellphone” lang kami nagkakausap, masaya na kaming dalawa, dahil para sa amin, ang mahalaga lang naman ay ang komunikasyon sa isa’t-isa, dahil paano niyo maipararamdam kung gaano ninyo kamahal ang bawat isa kung wala kayong komunikasyon diba?  Ang babaeng tulad niya ay madalang mo na lamang matatagpuan. Nasa kanya ang mga katangiang hinahanap ko sa isang babae, kaya nga ako “na-inlove” sa kanya. Pero sa kabila ng ganitong relasyon namin, nandyan ang katotohanan na hindi namin alam kung hanggang kailan kami. Ngunit kahit na merong ganitong katotohanan, ako ay umaasa padin na kaming dalawa ay magkikita din balang araw. ‘Yan ang “love story” ng buhay ko. Nais ko ding magbigay ng mensahe para sa mga taong nasaktan dahil sa pag-ibig. Huwag kayong mawalan ng pag-asa dahil kung nadapa man kayo ngayon, maya-maya lamang ay maaari na kayong tumayo muli at ipagpatuloy ang paglalakbay. Anong malay n'yo, baka makasalubong n'yo ang taong mas nararapat sa pagmamahal na kaya ninyong ibigay.

Huwebes, Hulyo 7, 2011

"PANGARAP KO ITO!!!"

Noong una, ang pangarap ko lamang ay maging isang mekaniko, tapoz maging karpintero, at ang sumunod ay ang maging isang Inhinyero. Ikaw, ano ba ang pangarap mo noon?at ano na ito ngayon? Kung iyong papansinin, ang ating mga pangarap ay unti-unting nagbabago. Siguro para sa akin, nagbabago ang mga ito dahil sa mga kaalamang nadadagdag sa ating pag-iisip na siyang nagmumulat sa atin kung ano talaga ang ating nais pagdating nang araw. Noong bata pa tayo, ang tanging gusto natin ay ang magkaroon ng mga laruan tulad nitong nasa larawan


dahil ang maglaro pa lamang ang ating alam gawin.
Habang tumatagal dumadami ang ating mga nalalaman at kasabay noon namumulat tayo sa realidad. Ako, habang tumatagal nalalaman ko na ang mga magulang ko ay nagpapakahirap para kami ng aking mga kapatid ay mabigyan ng magandang buhay. Sa makatuwid, nalaman ko ang kanilang pinagdadaanan kung kaya't ang aking pangarap ngayon ay matulungan din sila at masukliaan ang kanilang pagpupursige para sa aming magkakapatid. Mas magiging masaya kasi ako kung makatutulong ako sa kanila kahit papaano, tulad na lamang ng aking pagtitipid. Sa simpleng pagtitipid kasi ay natutulungan ko na sila. Halimbawa, hindi ko na kailangang humingi ng pera sa kanila araw-araw kung meron naman akong naiipon. Sa halip na humingi ay gagamitin ko nalang muna ang aking ipon at hihingi na lamang kung kulang iyon. Ikaw? anong pagtulong sa mga magulang mo ang kaya mong gawin? at alam mo na din ba kung ano ang iyong pangarap sa ngayon?